Bolata, Emmanuel Jayson V. 2022. “Ang Noumenal at ang Nominal sa Panulaan ni Allan Popa.” Daluyan: Journal ng Wikang Filipino 28(2): 27-45
Abstract
Sinisikap ng sanaysay na ito na pag-isipan at pag-ugnayin ang “noumenal” at ang “nominal” gámit ang panulaan ni Allan Popa at ang interpretasyon ng kritikong si Romulo P. Baquiran, Jr. sa poetika ng makata. Ang diskursong inilatag ng makata at ng mga tula tungkol sa salita, panahon, at wala ay mababása bÍlang tangka na abangan at silipin ang “noumenal,” o ang mga bagay-sa-sarili-nito (das Ding an sich). Gayumpaman, sapagkat nagsasarili ang noumena lampas sa ating wika, karanasan, at kaalaman, maaari lámang natin itong lapitan sa pamamaraang penomenolohikal. Ang utos sa tulang Sa Lukoy ni Popana “Hayaang tumugma ang pantig/sa pintig ng di makahihintay na saglit./Hayaang sumayaw ang wika alinsabay/sa kumpas./Hayaan sa panandaliang lugar” ay hindi nalalayo sa atas ng mga penomenologo na bumalik “sa mga bagay mismo” (zu den Sachen selbst), at sa tinutukoy ng kritikong si I.A. Richards na, “Mahalaga hindi ang sinasabi ng tula, kundi kung ano ito.” Kung ipauubaya ang kahulugan at talinghaga sa mga salita at bagay mismo, kinakailangan nito ng panibagong uri ng pagbabasá. Kinasangkapan ko rito ang sintaktikong lapit sa tula na bihirang gawin ng mga kritiko at mambabasá ng tula. Dito mapalilitaw ang halaga hindi lámang ng mga “nominal” (pangngalan) kundi maging ng mga di-nominal at mga pagpili ng salansan ng mga salita. Nagtatapos ang sanaysay sa pagmumuni sa gampanin ng makata at panulaan sa pagtutulay ng kaalaman at paniniwala, at sa pagsasalikop ng agham at panitikan para sa “pagtuklas ng kagandahan ng Sining.”