Ang Larong Sungka Bilang Pamanang Bayan sa Pananaliksik at Pagbuo ng Kaalamang Pangkasaysayan sa Pilipinas
Vicente C. Villan, Ph.D.

Villan, Vicente C. 2023. “Ang Larong Sungka Bilang Pamanang Bayan sa Pananaliksik at Pagbuo ng Kaalamang Pangkasaysayan sa Pilipinas.” Kaningningan; An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, 2 (1): 38-71.

Abstrak

Hindi lamang makikita ang pagiging tradisyonal na akdang pangkasaysayan sa uri ng datos na ginagamit, kundi maging sa tinutuntungang perspektiba at praxis pangkasaysayan na ginagamit ng may-akda. Ibabahagi sa papel na ito ang isang uri ng ekspresibong kultura tulad ng larong sungka bilang pamanang bayan at ekspresibong kultura. Bilang isang halimbawa ng panlipunang produksyon, ang larong sungka sa pangkalahatan ay pumapapel hindi lamang libangan ng mamamayan sa panahon ng kahupaan at kalungkutan, kundi gumagampan din ito higit sa lahat ng kapahayagang kultural at mayamang batis ng impormasyon sa pagbuo ng kaalamang pangkasaysayan sa Pilipinas.

Sa pangkalahatang sipat, tinutugunan ng pag-aaral na ito ang kakulangan ng tradisyonal na historiograpiya na sumasalok lamang ng impormasyon mula sa dokumentaryong batis sa pagbuo ng kaalamang pangkasaysayan. Sa pagsasakasaysayang Pilipino, marapat samakatuwid ang paggamit ng perspektibang pangkasaysayang nakaugat sa sariling pook- kalinangan, aplikasyon ng interdisiplinaryong lapit, paghagilap sa di-kumbensyunal na mga batis, ekplorasyon ng mga paradigm o mga modelong pangkasaysayan, at paghahabi ng naratibong pangkasaysayang sandig sa metanaratibong pangkasaysayan.

Tinitindigan ng may-akda na nakasalalay sa organiko, ingklusibo at nakasalig-sa-kalinangang uri ng historiograpiyang magsasakapangyarihan sa bayan ang nararapat na isasagawang pagtuklas hinggil sa epistemolohikal na batayan ng pagbuo ng kaalamang pangkasaysayan, ontolohikal na konsiderasyon sa pagsasakasaysayan, at pagpagpapalawak ng larang pangkasaysayang lampas sa naratibo o pagsasalaysay ng mga fact o detalye.

Sa kabuuan, bibigyang liwanag sa akdang ito ang pag-igpaw papalayo sa positibismo at interpretibismong historiograpiya para sa panloob na pagdadalumat ng kaalamang pangkasaysayang tumutugon sa simulaing pangkaunlaran sa Pilipinas. Sa pagpapaksa hinggil sa larong sungka, inaasahang ang akdang ito ay maghahatid sa atin tungo sa pagsasakatuparan ng nasabing mga layunin.

Mga Susing Salita: Katutubong Laro, Sungka, Pamanang Kultural, Ekspresibong Kultura, Panlipunang Produksyon