Mga Tsinong Manggagawa sa Kamaynilaan noong Ikalabingsiyam na Dantaon
  Kasaysayan, Kamaynilaan, Kababaihan: Mga Pananaliksik bilang Pagpupugay kay Dr. Ma. Luisa T. Camagay
Kapag tinatalakay ang kasaysayan ng mga Tsino sa kolonyal na Pilipinas, malimit na nakasentro ang diskusyon sa buhay at karanasan ng mga Tsinong negosyanteng mayaman at maimpluwensiya.' Hindi ito nakapagtataka dahil ang mga Tsinong ito ay nag-iwan ng maraming dokumentong maaaring pagbatayan ng mga historyador sa kanilang mga pananaliksik. Ilan sa mga dokumentong ito ang may kinalaman sa kanilang mga hanapbuhay sa loob at labas ng Pilipinas, mga dokumento tungkol sa kanilang buhay at buhay ng kanilang pamilya at iba pang lathalaing may kaugnayan sa komersyo. Sa kabilang banda, madalas namang hindi napagtutuunan ng pansin ang kasaysayan ng mga ordinaryong Tsino na siyang bumubuo ng mayorya ng kanilang populasyon sa buong panahong ang Pilipinas ay nasa ilalim ng pamumunong Español. Kaiba sa mga negosyanteng Tsino, kakaunti lamang ang mga dokumento tungkol sa mga manggagawang Tsino. Sa katunayan, sa pangkalahatan, lumalabas lamang ang mga manggagawang Tsino sa mga dokumentong may kaugnayan sa krimen at kriminalidad, at sa mga salaysay ng mga banyagang manlalakbay. Bagama't tila nga may kakulangan sa mga batis, hindi naman ito nangangahulugang walang kasaysayan ang mga pangkaraniwang manggagawang Tsino.

Layunin ng papel na itong talakayin ang kasaysayan ng mga Tsinong manggagawa sa Kamaynilaan noong ikalabingsiyam na siglo. Magtutuon ang pagtalakay sa Kamaynilaan dahil bagama't mayroon nang mga Tsino sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas, ang kanilang populasyon ay nakasentro pa rin sa Maynila at sa mga karatig nitong mga kanugnog na bayan (arrabales). Pangunahing ginamit para sa papel ang mga dokumento mula sa Pambansang Sinupan ng Pilipinas,3 partikular na rito ang 148 bungkos (bundles) na may pamagat na "Chinos." Ang mga bungkos na ito ay naglalaman ng samu't saring dokumento tungkol sa mga Tsino sa Pilipinas mula huling bahagi ng ikalabingwalo hanggang sa unang dekada ng ika-dalawampung siglo. Kasama ring kinonsulta ang iba pang sinupan sa España. Mula sa mga dokumentong ito, papaksain ng papel (1) ang buhay at hanapbuhay ng mga Tsinong manggagawa sa Kamaynilaan noon ikalabingsiyam na siglo, (2) ang konteksto ng kanilang buhay at karanasan batay sa mga kaganapan sa Pilipinas, at (3) ang mga halimbawa ng mga manggagawang ito tulad mga Tsinong kargador, corredor, at pancitero. Ambag ng papel ang pagbibigay-puwang sa mga ordinaryong manggagawang Tsinong malimit na hindi nakikita sa mga pahina ng kasaysayan.
Faculty Involved:
Jely A. Galang, Ph.D.
Professor
Focus: Nineteenth century Philippines, Modern history of East Asia particularly China, History of Crime and Punishment