Villan, Vicente C. 2022. “Ang Pangkalinangang Subersyong Geopolitikal at Pagsipat kay Jose Rizal Sa Diskurso ng Pamana sa Kasaysayang Pilipino.” Kaningningan: An Interdisciplinary and Multidisciplinary Journal of New Era University Center for Philippine Studies, Volume 1, Number 1: 41-73.
Abstrak
Hugot mula sa ideang geopolitikang pangkalinangang subersyon, tatangkaing uunawain sa papel na ito ang naging hakbanging kolonyal ng mga Espanyol at Amerikano sa kanilang ginawang pananakop sa Pilipinas.`Ito’y bagamat may subersyon ding isinagawa si Jose Rizal sa kolonyalismo, hindi nangangahulugang pagtutuunan sa papel ang nasabing paksa upang higit na makita ang naging hakbanging koloyal ng mga mananakop sa Pilipinas.
Gamit ang lapit na singkroniko at diakroniko, sisipatin sa gagawing pag-aaral ang materyal na kulturang pinagkaugatan ng ginawang pangkalinangang subersyon kay Jose Rizal ng mga mananakop. Uunawain sa ginawang pananaliksik ang naging saysay niya sa loob ng pangkalinangang pamana at sagisag na panlahi ng mga Pilipino. Sa pamamagitan ng pagsasawalang bisa at pagpapahina sa damdaming bayan o nasyonalismong isinasagisag ni Rizal, nagtagumpay ang mga Amerikano na demoralisahin iyon gamit ang kinagisnang idea sa pamana.
Sa pagsusuri, ang panlipunang halagahin mula sa pangkalinangang pamana sa anito ang ginamit ng kolonyal na estadong Espanyol para sa mitipikasyon o pagsasaalamat ukol sa kapangyarihan ng ikonograpiyang panrelihiyon. Iniangkas ng mga Espanyol ang kanilang dala-dalang santo sa naririyang pumapaimbulog na gawain sa pag-aanito upang saklutin mula rito ang espiritwal na kapangyarihan sa loob ng kalinangan at lipunang Pilipino. Sa ganitong diwa, tinularan ng US ang kanilang ideang sekular gamit ang pagbabantayog o pagtatag ng monumento para kay Rizal upang maisingkaw rito ang pagkauhaw sa edukasyon ng mga Pilipono. Naging daan ang pangkalinangang subersyong ito para dominahin ng US ang larang na intelektwal sa Pilipinas gamit si Rizal bilang geopolitikal na pananagisag.
Nilalayon ng papel na ito sa pangkalahatan na tayahin ang praktikang geopolitikal ng imperyalistang kapangyarihan. Mag-aambag sa madaling salita sa partikular ang pag-aaral hinggil sa pagpapalawak, pagpapayabong, at paglalaman sa pampamanang pag-aaral (Heritage Studies), pagpapalawig sa diskursong Rizal (Rizal Discourse), at pagpapaunlad ng historiograpiyang Pilipino (Philippine Historiography).