Ati, Bukidnon, at Agraviados: Ang Taong-Labas at Paglikha ng Panghimagsikang Tradisyon sa Isla ng Panay
Vicente C. Villan

Villan, Vicente C. 2022. “Ati, Bukidnon, at Agraviados: Ang Taong-Labas at Paglikha ng Panghimagsikang Tradisyon sa Isla ng Panay.” In Jeffrey James C. Ligero, Edna M. Manginsay, and Joel S. Regala (eds.), Taong-Labas: Ang Tulisan, Remontado, at Vagamundo sa Kasaysayan at Kalinangang Pilipino, 71-107. Manila: ADHIKA ng Pilipinas, Inc. and National Commission for Culture and the Arts.

Abstract

Tatlong hibla ng pangkating Panayanhon sa kasaysayang Pilipino sa Isla ng Panay ang nagsalubong, nagsanib, at naghugpong para sa kalayaan ng Inang-Bayan – Ati, Bukidnon, at mga Agraviados. Tulak ng karanasang kolonyal, ang nabanggit na tatlong pampamayanang grupong nasadlak sa ekspansiyong kolonyal, at mahigpit na integrasyong sosyo-kultural ng mga mananakop, ang naging malaking salik sa kanilang kaisahan pagsapit ng huling bahagi ng siglo 19. Salig sa kinagisnang kamalayan, ang pagkakapit sa subling panghimanwa (manang paglilingkod-bayan), kabubut-on sang banwa (kaloobang bayan), at pakig-angot pangkatilingban (pakikipag-ugnayang panlipunan) ang nakapagbigay-liwanag sa atin hinggil sa kanilang pagsanib-lakas sa Himagsikang Pilipino.

Tinitindigan na sa pamamagitan ng maragtasong inagihan (pangkasaysayang karanasan), at sosyo-kultural na lente, maipapaliwanag ang pagkakaroon ng ribuk (himagsikan) bilang panlipunang gumuntang (penomeno) noong huling-hati ng siglo 19. Inaasahang sa pamamagitan sa inter-disiplinaryong pagtingin, mabibigyang-liwanag ang naganap na gumuntang (kalakaran) at hitabu (kaganapan) sa pakig-ugyon (pagkakaisa) ng tatlong pangkating pampamayanan at ang naging papel nila sa paglikha ng panghimagsikang tradisyon sa Isla ng Panay.

Nilalayon ng pananaliksik na ito na ilarawan ang kontekstong heograpiko at sosyo-kultural na nagbigay-hugis sa pag-usbong ng nabanggit na pangkating naghimagsik. Ilalatag sa sanaysay pagkatapos ang kalakasang sosyo-kultural ng mga Panayanhon lakip maging ang pagtatampok sa naging kalakaran ng mga entradang kolonyal sa Pilipinas na kinasangkutan ng mga Pintados. Higit sa lahat, isasalaysay pagkatapos nito ang naganap na kalakaran sa himagsikan at kaganapan sa pakikidigmang inilunsad ng mga naghugpong na mga Anak ng Bayan sa nasabing Isla.