Esquejo, Kristoffer R. 2022. “Protestante Man, Lumaban Din: Ang Paninindigan ng Convention of Philippine Baptist Churches (CPBC) Laban sa Diktadurang Marcos.” In Jeffrey James C. Ligero, Edna M. Manginsay, and Joel S. Regala (eds.), Taong-Labas: Ang Tulisan, Remontado, at Vagamundo sa Kasaysayan at Kalinangang Pilipino, 383-407. Manila: ADHIKA ng Pilipinas, Inc. and National Commission for Culture and the Arts.
Abstract
Laganap ang pangkalahatang pagtingin sa mga Kristiyano, Katoliko man o Protestante, bilang pasibong mga tagasunod ng gobyerno bago ang Rebolusyong EDSA ng 1986. Hindi ito totoo kung sisiyasatin ang tindig ng iba’t ibang denominasyong Protestante sa bansa. Sa kaso ng Convention of Philippine Baptist Churches (CPBC), tanging pangkating Baptist na kasapi ng National Council of Churches in the Philippines (NCCP) at nakahimpil sa Kanlurang Bisayas, unang nagkaroon ng dalawang hiwalay na tugon ang mga kasapi nito nang unang mailuklok sa kapangyarihan si Pangulong Ferdinand E. Marcos. Sa isang banda, maagang pumanig sa gobyerno ang liderato ng CPBC kasama ang nakararaming matatandang kasapi nito bunga na rin ng malaking takot at pangamba sa paglaganap ng komunismo sa bansa. Sa kabilang banda, mayroong mga kabataang nanatiling Baptist subalit naging aktibo sa paglahok sa mga demonstrasyon laban sa Diktadurang Marcos. Ilan sa kanila ay umanib pa mismo sa armadong pakikibaka. Magkaiba man ang pagtugon ng mga kasapi, humantong kalaunan ang CPBC sa pagkakaroon ng iisang tindig laban sa katiwalian at pang-aabuso ng Diktadurang Marcos na lalong nag-alab hanggang sa pagsapit ng 1986.
Ang papel na ito ay isang pagsasakasaysayan sa karanasan at landas na tinahak ng liderato at kasapian ng CPBC sa isang madilim na yugtong pangkasaysayan. Nilalayon din ng pag-aaral na maihabi ang mga naratibo at ambag ng mga kabataang Baptist sa mahabang kasaysayan ng pakikibaka ng mga Pilipino tungo sa kalayaan at kaginhawahan ng inang bayan.