Esquejo, Kristoffer R. 2022. “Gahum, Kahimtangan, kag Bugal”: Isang Alternatibong Pagbasa sa Maagang Kasaysayan ng Misyong Baptist sa Pilipinas, 1898–1922″ (Power, Social Mobility, and Pride: An Alternative Reading on the Early History of Baptist Mission in the Philippines, 1898–1922). Malay 34(2): 16-2.
Layunin ng papel na ito na maghain ng isang bagong pagpapakahulugan hinggil sa pananaw ng mga Pilipinong Bisaya kung bakit nila tinanggap, niyakap, at itinaguyod ang pananampalatayang Baptist noong unang dalawang dekada ng ika-20 dantaon. Gamit ang “kaloobang-bayan” bilang alternatibong lente sa kasaysayan, makikitang umakma ang mga layunin ng itinaguyod na “Social Gospel” ng Misyong Baptist mula sa Estados Unidos sa tatlong halagahin ng lipunang Bisaya. Dahil sa mga ipinatayong iglesya, paaralan, at ospital sa Kanlurang Bisaya, partikular sa Iloilo at Capiz, unti-unting nakamtan ng mga katutubo ang “gahum” (kapangyarihan) na maaari pang mauri sa tatlong magkakaugnay na mga larangan: “kinaadman” (kaalaman), “isug” (tapang), at “kusug” (lakas). Mula rito, nagbigay-daan ito sa “kahimtangan” (mataas na katayuang panlipunan) ng buhay bunga na rin ng pag-angat ng isang bagong uring panlipunan mula sa karukhaan. Napatunayan ito sa mga buhay at karera ng ilang piling politiko at propesyonal mula sa rehiyon bago at pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pagkalipas ng ilan pang dekada, tuluyang nagresulta ito sa “bugal” (pagmamalaki) kaya nanatiling tapat sa pananampalataya ang mga sumunod na henerasyon ng mga Pilipinong Baptist sa kabila ng katotohanang nakaangkla ang Misyong Baptist sa kolonyalismong Amerikano.