Inihahandog ng UP Departamento ng Kasaysayan at UP Diliman OICA ang proyektong “Kwentuhan sa Diliman: Mga Panayam sa mga Tagapangulo ng Departamento ng Kasaysayan
Layon ng proyektong kapanayamin ang mga nagsilbing Tagapangulo ng Departamento, at ibahagi sa Unibersidad at sa publiko ang mga salaysay ng paglilingkod at mga diskursong pangkasaysayan na namayani mula dekada 1970 hanggang sa kasalukuyang dantaon. Nakatuon ito na mapakinggan at maisulat ang mga sumusunod: mga kuwento na nagsilbing inspirasyon sa pagpili ng mga Tagapangulo sa kasaysayan bilang larang ng pag-aaral at sa pagtahak ng buhay akademiko bilang guro at mananaliksik ng kasaysayan; mga isinulong na programa para sa pagpapaunlad ng isang institusyong pangkasaysayan, pagsulong ng kasaysayan bilang disiplina, at pagpapayabong ng kamalayang pangkasaysayan; at pagbahagi ng mga pagninilay sa karanasan bilang administrador ng isang institusyong pangkasaysayan. Inaasahan na ang kalipunan ng mga kuwento at pagninilay sa pamumuno ay makakatulong sa pagpapalawak at pagpapalalim ng pagsasakasaysayan ng Departamento at magsisilbi rin itong batayan at tuntungan sa paglatag ng tunguhin nito sa hinaharap.
Ang mga panayam sa mga naging tagapangulo ng Departamento ay ibabahagi sa publiko. Narito ang panayam kay Napoleon A. Casambre, Ph.D.