‘Balatyagon, Huya, kag Kabalaslan’: Ang Kampanya ng mga Pilipinong Baptist tungo sa Pagsasarili at Pagsasakapangyarihan, 1922–1935
Malay: Internasyonal na Journal sa Araling Filipino
Gamit ang tatlong larangan ng sikolohiya ng pakikipag-ugnayang panlipunan, itinatampok ng papel na ito ang pagkakatatag ng Convention of Philippine Baptist Churches (CPBC), isang denominasyong Protestante na nakasentro sa Kanlurang Bisaya, bilang resulta ng kompromiso ng mga Pilipinong Baptist at ng American Baptist Foreign Mission Society (ABFMS) noong 1935. Kolektibong nasadlak ang mga Pilipinong Baptist sa isang kumplikadong sitwasyon noong dekada 20 at dekada 30. Sa isang banda, naging saksi at biktima sila sa paternalismo at diskriminasyong ipinaiiral ng mga misyonerong Amerikano. Naging mulat din sila sa pagsiklab ng samotsaring kilusang agraryo at pagkilos ng mga samahang manggagawa sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Ibig sabihin, sumibol sa kanila ang “balatyagon” (pakiramdam) bilang pakikiisa sa rumaragasang daluyong ng damdaming nasyonalistiko ng mga Pilipino sa pangkalahatan. Sa kabilang banda, hindi nila maitatanggi ang kanilang nag-uumapaw na “kabalaslan” (utang na loob) sa mga misyonerong Amerikanong nagpamalas ng kagandahang- loob at sakripisyo upang magtamasa sila ng ginhawa sa kanilang mga buhay sa nakaraang dalawang dekada. Patunay rito ang mga iglesya, paaralan, at ospital na nagkakaloob sa kanila ng mataas na kalidad ng edukasyon at maayos na kalusugan, at nagbigay-daan sa malaking pagkakataon para umangat sa lipunang Ilonggo. Bunga ng pag-uumpugan ng dalawang nabanggit, tuluyang nanaig sa kanila ang “huya” (hiya). Batid ang katotohanang hindi nila maaaring talikuran ang alinman sa dalawang panig kaya mapayapa silang nakipagkompromiso sa mga dayuhan. Sa halip na maglunsad ng radikal na iskismong panrelihiyon, mas pinili nila ang pagtatamasa ng limitadong awtonomiya.
Keywords
ABFMS
CPBC
Filipinisasyon
Iskismong Panrelihiyon
Kinagisnang Sikolohiya
Faculty Involved:
