Reguindin-Estella, Janet S. 2024. “Pagpapalawak ng Edukasyong Pangkagubtan sa Konteksto ng Zambales (1900-1930)”. Journal of Philippine Local History and Heritage. (10)1: 44-83.
Abstrak
Kabilang sa mga kilalang pananaliksik tungkol sa kasaysayan ng polisiyang pangkagubatan sa Pilipinas ang mga pag-aaral nina Ma. Florina Orillos, Inspeccion General de Montes: Isang Institusyonal na Kasaysayan (1999); Ma. Luisa de Leon Bolinao, Perhutanan: Mga Patakarang Kolonyal Hinggil sa Kagubatan ng Malaya at Filipinas, 1900-1940 (2005); at ni Nathan E. Roberts, U.S. Forestry in the Philippines: Environment, Nationhood, and Empire, 1900-1937 (2014). Gayunpaman, pawang sumasaklaw ang mga nasabing pag-aaral sa pambansang konteksto ng mga polisiyang pangkagubatan. Mayroong puwang kung gayon sa pagsusuri ng mga usaping pangkagubatan sa lokal na konteksto ng mga bayan at lalawigan.
Layunin ng artikulong ito na punan ang nasabing puwang sa pamamagitan ng pagsusuri ng kasaysayang pangkagubatan sa halimbawang kaso ng Zambales. Nakatuon ang paksa sa nasabing lalawigan kung saan itinayo ang isa sa mga unang istasyong pangkagubatan sa unang taon ng kolonyal na pamahalaang Amerikano. Gayundin, tuon ng pananaliksik ang muling paggugubat at edukasyong pangkagubatan na naging malawak na programa ng Kagawaran ng Paggugubat at kung papaano naging bahagi sa mga programang ito ang lalawigan ng Zambales. Gamit ang mga opisyal na ulat at mga kaugnay na batis, sasaklawin ng pag-aaral na ito ang taong 1900 kung kailan itinatag ang Kagawaran ng Paggugubat (Forestry Bureau) hanggang 1939 kung kailan huling nagpatupad ng programang pangkagubatan ang pamahalaan bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Mga Susing Salita: Kagawaran ng Paggugubat, edukasyong pangkagubatan, siyentipikong kasanayan, administratibong pamamahala, kolonyalismong Estados Unidos