Tahanan, Tanggulan, at TagpuanL Kasaysayang Pampook ng Bayan ng Looc
Kristoffer R. Esquejo, Ph.D.

Esquejo, Kristoffer R. 2024. Tahanan, Tanggulan, at TagpuanL Kasaysayang Pampook ng Bayan ng Looc (MJL Printing Services).

Umiinog ang pamagat ng aklat sa tatlong katagang pawang may kinalaman sa espesyal na papel ng looc bilang pook na naitampok sa iba’t ibang yugtong pangkasaysayan. Una, nagsilbi itong TAHANAN sa mga pangkat-etnolinggwistiko gaya ng mga Ati at Mangyan. Sila ay maituturing na “tumandok” (aborigines) ng isla ng Tablas subalit naging tampulan ng pang-aabuso at diskriminasyon. Ikalawa, nagsilbi itong TANGGULAN para sa mga migranteng Unhan Bisaya at Nayon Bisaya galing Panay na naghangad ng bagong kanlungan at nagpalaganap ng kanilang wika at kultura. Sa kasagsagan ng Digmaang Moro, nalikha at lumaganap ang Alamat ng mga “boyong” gaya nina Tamboro at Talabukon na masigasig na nagtanggol sa taumbayan laban sa mga umatakeng Moro mula timog. Ikatlo, nagsilbi itong TAGPUAN para sa mga migranteng Tagalog galing Luzon. May ambag sila sa pagtatayo ng bagong sentrong pamayanan (tinatawag ngayon na Poblacion) at pagpapalakas ng lokal na ekonomiya. Samakatuwid, ang pagkakatatag at pag-usbong ng Looc ay hindi lamang monopoly ng iisang pangkat. Produkto ito ng pagtutulungan ng iba’t ibang pangkat-etnolinggwistiko at inisyatiba ng mga lokal na lider pampulitika kasangkot ang taumbayan kung kaya patuloy itong bumabangon at namamayagpag sa kabila ng di-mabilang na mga hamong gawa ng tao at kalikasan. Kabilang dito ang kolonyalismong Espanyol, pag-aatakeng Moro, kolonyalismong Amerikano, mga kalamidad gaya ng bagyo, baha, at lindol, sunog, mga epikdemya gaya ng kolera at small pox, Okupasyong Hapon, Batas Militar, at iba pa.