Camagay, Ma. Luisa T. Kasaysayan Panlipunan ng Maynila, 1765-1898 [Ikalawang Edisyon] (Manila: National Historical Commission of the Philippines, 2024).
About the Book
“Naging isang mahalagang ikutang-pangyayari sa Pilipinas ang ika-labing siyam na dantaon. Marami itong nasaksihan sa larangang pulitikal, ekonomikal, panlipunan at kultural. Sa panahon na ito, nagbukas ang Pilipinas sa mundong pangkalakalan na nagbigay daan sa bagong produktong agricultural na hiling na mga banyagang bansa tulad na asukal, abaka, kape at ultimong bigas. Dahil dito ay nagbukas ng mga konsulado ang iba’t ibang bansa upang pangasiwaan ang kalakalan sa mga nasabing produkto. Naging saksi rin sa dantaong ito ang pagbisita ng mga banyaga na nag-ulat ng kanilang nakita sa Pilipinas. Utang natin sa mga ulat ng konsul at ang mga banyagang bisita ang mayaman na dokumentasyon hinggil sa Pilipinas noong ika-labing siyam na dantaon.
Madalas na nakakaligtaan ang pagtalakay sa dantaon na ito ang paglalarawan ng lipunan ng Maynila na kung tutuusin ang isang lipunan na binubuo ng iba’t ibang lahi. Nariyan ang Peninsulares (mga Espanyol, ang ipinanganak sa Iberian Peninsula), ang Insulares (mga Espanyol na ipinanganak sa Pilipinas) at binansagan na Filipino o Creoles, ang katutubo na binansagan na Indio, ang mestizo na madalas ay mestizo Tsino at ang mga purong Tsino. Idagdag pa natin ang mga banyaga – Europeo, Amerikano at iba pang Asyano. Sa madaling sabi, ang lipunan ng Maynila ay masasabing cosmopolitan at multi-racial.
Sa ganitong uri ng kaligiran, susuriin ang ugnayan na namagitan sa iba’t ibang grupong ito sa pang-araw-araw ng buhay. Aalamin kung anu-anong libangan ang namayani sa bawat lahi at ano naman ang tinangkilik ng lahat.
Bahagi rin ng aklat ang mga bagay na nagbigay ligalig sa lipunan ng Maynila: ang banta ng epidemic ng kolera, ng lindol at bagyo at ng krimen.”
Unang nilimbag ang aklat na ito noong 1992 at binigyan ng bagong bihis ngayong 2024 ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas. Si Dr. Ma. Luisa T. Camagay ay professor emeritus ng Departamento ng Kasaysayan, Kolehiyo ng Agham Panlipunan ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman.