UP Departamento ng Kasaysayan, Palihan sa Pagtuturo ng Kasaysayan
Inorganisa ng UP Departamento ng Kasaysayan ang Palihan sa Pagtuturo ng Kasaysayan noong 17 Disyembre 2025. Sa seryeng ito, apat na kasapi ng departamento ang nagbahagi ng kanilang mga pamamaraan sa mga kasapi ng kaguruan, sa pagtuturo ng KAS 1: Kasaysayan ng Pilipinas.
Ibinahagi ni Lecturer Nikko Jay B. Ramos ang kaniyang karanasan sa pagtuturo ng sinaunang pamayanan gamit ang kaalamang bayan. Ibinahagi ni Lecturer Danielle Iris V. Garcia ang kaniyang estratehiya upang maengganyo ang mga mag-aaral sa pagbabasa ng mga dokumentong Espanyol mula sa ika-16 na dantaon. Ipinakilala naman ni Lecturer Jeric B. Mayugba ang kaniyang metodo upang maging interesante ang pagtuturo ng kasaysayang Pilipino sa panahon ng kolonyalismong Amerikano. Habang si Teaching Associate Jess Immanuel J. Espina ay binigyang tuon ang pagpapakita ng mga orihinal na dokumentong historikal tungkol sa kontemporaryong kasaysayang Pilipino, lalo na mula sa panahon ng diktadurang Marcos.
Ang palihang ito ay regular na isinasagawa bilang internal na programa para sa kaguruan ng departamento. Nagpapasalamat naman ang departamento sa Mama Sita Foundation para sa mga regalong hinandog sa mga tagapagsalita.