• Home
  • About Us
    • About the Department
    • Department Officials
  • Program
    • BA History
    • Graduate Programs: MA History and PhD History
    • Course Offerings
  • People
  • News & Events
  • Publications
  • Contact Us
DEPARTMENT OF HISTORY
COLLEGE OF SOCIAL SCIENCES AND PHILOSOPHY
UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES DILIMAN

Pahayag ng Pagtutol at Pagtuligsa sa Reframed General Education Program ng CHED

Published on 06 May 2026 | UP Department of History

Tahasang kinokondena at tinututulan ng kaguruan ng UP Departamento ng Kasaysayan ang kasalukuyang panukala ng Commission on Higher Education (CHED) sa pangunguna ng Technical Panel on General Education (TPGE) hinggil sa Reframed General Education (GE) Program sa kolehiyo. Ang panukalang ito ay hindi dumaan sa makataong proseso ng konsultasyon, tinatalikuran ang diwa ng Batas Republika Blg. 1425 o Batas Rizal, at walang pagpapahalaga sa kalagayan at hinaharap ng mga guro ng agham panlipunan at humanidades.

Ang planong pagsamahin ang kursong Kasaysayan at kursong Rizal ay hindi lamang malinaw na pagmamaliit sa larangan ng Kasaysayan kundi tuwirang pagtatangka na alisin din ang espasyo ng pag-aaral ng Kasaysayan sa kolehiyo. Hindi katanggap-tanggap ang argumentong ituturo na ang Kasaysayan sa Senior High School (SHS) sa pamamagitan ng kursong Pag-aaral ng Kasaysayan at Lipunang Pilipino (PKLP), kaya aalisin ang pag-aaral ng kasaysayan sa programang GE ng CHED.

Gayundin, sa ika-70 anibersaryo ng Batas Rizal ngayong taon, naninindigan ang Departamento na dapat mas paunlarin pa ang pag-aaral ng Kasaysayan ng Pilipinas na higit pa sa pagsisilbing dagdag o palamuti lamang sa buhay, akda, at pamana ni Jose Rizal. Hindi progresibo ang palasak na pagsasanib ng dalawang kurso na nagkukubli sa balat-kayong reporma. Sa panahon ng lalong bumibigat na hamon ng disimpormasyon at Artificial Intelligence (AI), higit na mahalaga ang gampanin ng historikal na pag-iisip—ang pag-aaral sa nakaraan—bilang instrumento ng paghahasa sa kritikal na pag-iisip at makabuluhang pag-unawa.
Ipinapanawagan at iginigiit ng Departamento ang sumusunod na hakbangin:

1. Ibasura ang kasalukuyang panukala;

2. Itigil ang planong pilot na implementasyon ng programang ito sa Akademikong Taon 2026-2027;

3. Buwagin ang kasalukuyang TPGE at kaagad bumuo ng bago, tunay na inklusibo, at may pananagutang panel;

4. Saliksikin ang kasalukuyang kalagayan ng programang GE upang magsilbing matibay na basehan ng reporma;

5. Magpanukala ng makatotohanang repormang nagmumula sa masinsing konsultasyon sa mga guro at mag-aaral sa buong bansa.

Tangan ang mga batayang prinsipyo ng dangal at husay, naninindigan kami na ang isang tunay na programang GE ay dapat holistiko, kritikal, makabayan, at makatao–hindi minadali, hindi ipinipilit, at lalong hindi isinasantabi ang mga boses na siyang bumubuo nito.

UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES
COLLEGE OF SOCIAL SCIENCE AND PHILOSOPHY
Office Address
Ground Floor Palma Hall Pavilion 2 Quirino Avenue, University of the Philippines Diliman, Quezon City 1101

Email address
history.upd@up.edu.ph
Copyright © 2018 UPD CSSP. All rights reserved.
  • Home
  • About Us
    • About the Department
    • Department Officials
  • Program
    • BA History
    • Graduate Programs: MA History and PhD History
    • Course Offerings
  • People
  • News & Events
  • Publications
  • Contact Us