• Home
  • About Us
    • About the Department
    • Department Officials
  • Program
    • BA History
    • Graduate Programs: MA History and PhD History
    • Course Offerings
  • People
  • News & Events
  • Publications
  • Contact Us
DEPARTMENT OF HISTORY
COLLEGE OF SOCIAL SCIENCES AND PHILOSOPHY
UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES DILIMAN

Asst. Prof. Alfonso earns Ph.D. in History at UP Department of History

Published on 19 August 2025 | UP Department of History

Binabati ng UP Departamento ng Kasaysayan si Kat. Prop. Ian Christopher B. Alfonso sa kaniyang pagtatapos ng Ph.D. in History mula sa departamento.

Pagbura at Paglilinaw: Ang Talambuhay ni Patrocinio Z. Gulapa (1913-1949)
Adviser: Prof. Neil Martial R. Santillan, Ph.D.

Mas napayayaman pa ang pag-unawa sa kasaysayan ng Pilipinas dahil na rin sa patuloy na pagbungkal sa matabang lupa ng kasaysayang lokal. Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon, nagtutugma ang nilalaman—at nalalaman—ng pambansang kasaysayan at kasaysayang lokal. Malalaking salik dito ang [1] dominanteng boses na tinatanggap sa pambansang talastasan at ang [2] batid na katotohanan ng mga nasa lokalidad. Tulad na lamang ng pagturing ng pambansang kasaysayan sa isang nagngangalang Patrocinio “Cinio” Zamora Gulapa ng Maragondon, Cavite bilang tulisan o bandido noong Digmaang Pasipiko sa Pilipinas (1941-1945) sa mga limbag na primaryang batis ng tanyag at dakilang pangkat gerilya na Hunters ROTC; bagaman sa samot-saring limbag at hindi limbag na mga primarya at sekondaryang batis na matatagpuan sa Maragondon at sinulat mismo ng mga nakasama ni Cinio sa nasabing bayan, siya ay bayani at minamahal ng tao. Hindi makausad ang naratibong lokal hinggil kay Cinio dahil na rin sa pagiging dominante ng boses sa pambansang talastasan ng Hunters ROTC, na marubdod ang pagdaramdam dahil sa pagkasawi ng kanilang apat hanggang limang kasamahan (depende sa datos na mababasa) sa kamay ng pangkat gerilya ni Cinio sa kabundukan ng Maragondon na The Liberators noong 1944. Ngunit dapat ding isaalang-alang na ang mga hindi limbag na primaryang batis mula sa Maragondon ay matagal na nakatago sa mga pamilya sa nasabing bayan sa mahabang panahon. Samakatuwid, malayo sa radar ng mga manananaliksik ang mga nasabing datos. Gayunpaman, sa pagsapubliko ng Philippine Veterans Affairs Office sa mga Guerrilla Unit Recognition File (GURF) ng Pilipinas na nakasinop sa U.S. National Archives and Records Administration noong 2016, kulang-kulang 400 pahinang datos hinggil sa gerilyang The Liberators ang naisapubliko. Kinukumpirma ng mga ito na hindi bandido o tulisan si Cinio, kundi bayani ng digmaan.

Ang pagkasangkot ni Cinio sa mga nangyari sa ilang kasapi ng Hunters ROTC ang tumatak sa pambansang kasaysayan. Sa kabila ng isyung ito, hinalal pa rin siya ng taumbayan bilang alkalde ng Maragondon pagkatapos ng digmaan hanggang sa siya’y paslangin noong Pebrero 1949—isang sapin sa kaniyang talambuhay na binasa naman ng ilang iskolar na mga Amerikano tulad ni John Sidel bilang bunga ng magulong politika sa Cavite na tinawag nilang bossism at big man politics. Nakadagdag ang mga pananaw na ito ng mga Amerikano sa lalong paglabnaw ng papel ni Cinio sa kasaysayan, lingid pa sa panaka-nakang pagbanggit sa kaniya sa mga sekondaryang batis sa pambansang lebel na siya ay mahiwagang tao na nagtataglay ng mabibisang anting-anting.

Sa pagpipingkiang ito ng mga datos pambansa at lokal, nakalilikha ito ng dagitab na siyang magpapaningas sa bago at sariwang pag-unawa sa nakaraan. Kaya’t sinikap ng pag-aaral na ito na sulatin ang talambuhay ni Cinio upang maging ehemplo ng pagbabangon sa isang kinalimutang personalidad. Hinanap ng pag-aaral na ito ang pagtatagpo ng mga nagbubungguang datos sa layong mapayaman pa ang talakayan hinggil sa mga nangyayari sa isang bahagi ng Pilipinas bago, habang, at pagkatapos ng Digmaang Pasipiko. Hindi perpekto ang kaniyang buhay. Wala siyang mataas na pinag-aralan at nakilala, noong dakong una, bilang sutil at barakong lapitin ng gulo. Ngunit nang mangailangan ang kaniyang mga kababayan ng isang pinuno sa gitna ng digmaan at pagpalya ng pamahalaan na proteksyunan sila, siya ang nakita nilang pag-asa. Kaya’t itinanghal siya ng pag-aaral na ito bilang halimbawa ng maalamat na tirong o lalaking matapang sa lipunang Tagalog na handang magtanggol sa mga api.

Lubos kang ipinagmamalaki ng UP Departamento ng Kasaysayan. Padayon! #HistoryadorNgBayan #history

UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES
COLLEGE OF SOCIAL SCIENCE AND PHILOSOPHY
Office Address
Ground Floor Palma Hall Pavilion 2 Quirino Avenue, University of the Philippines Diliman, Quezon City 1101

Email address
history.upd@up.edu.ph
Copyright © 2018 UPD CSSP. All rights reserved.
  • Home
  • About Us
    • About the Department
    • Department Officials
  • Program
    • BA History
    • Graduate Programs: MA History and PhD History
    • Course Offerings
  • People
  • News & Events
  • Publications
  • Contact Us